Pluralismo at Wikang Panturo

Sa taning na ibinigay ng Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikang si Bienvenido Lumbera noong 1967, paubos na nang paubos ang oras. Sinabi niyang may limampung taon ang pambansang wika upang maging matagumpay na wikang panturo sa ating mga paaralan. Kung bibilangin, sa 2017 na ang nararapat na kaganapan ng harayang ito at limang taon na lamang ay hindi pa rin ganoong kagila-gilalas ang naging tagumpay ng pambansang wika.

Marahil ay isa sa pinakamalaking aspekto ng di-pagtatagumpay nito ang presensiya ng iba’t ibang wika sa bansa, dagdag pa ang mga dayuhang nag-aaral dito. Sapagkat ang pangunahing layunin ng edukasyon ay ang magturo sa mga mag-aaral, hindi maiwawaksi ang pagsasaalang-alang sa mga mag-aaral na iba’t iba ang ginagamit ng wika. Halimbawa na lamang ang lumalaking bilang ng mga Koryano at Amerikanong dito sa atin nagsisipag-aral dahil marahil sa magandang kalidad ng edukasyon sa bansa (alalaong baga, hindi nangangailangan ng karagdagang mga taon sa paaralan) at murang halaga nito.

Hindi naman suliranin ang malaking bahagi ng mga mulang lalawigang nag-aaral dito sa Maynila kung tuturuan sila sa pamamagitan ng wikang pambansang nakasandig sa wikang Tagalog. Napatunayan nang nagtagumpay ang mga naunang pagtatangkang palaganapin at ipaunawa ang wikang ito sa mahigit-walumpung bahagdan ng ating sambayanan. Alalaong baga, hindi na isyu ang pag-unawa ng mga nakasasagap ng mga aralin sa wikang pambansa ngunit nananatili ang isyu ng pagtanggap sa wikang pambansa bilang siyang wikang panturo sa lahat ng paaralan. Isa pa, ang pagpunta rito ng mga mulang lalawigan ay isang pagsuong sa panibagong kalinangang (kultura) sunong ng Maynila at kahalili na rin nito ang wikang ginagamit dito. Sa pagkakataong ang mga Tagalog naman ang mag-aral sa isang paaralan sa isang lalawigang may sariling wikang ginagamit, tungkulin ng Tagalog na iyon ang magpahinuhod sa wikang gagamitin sa mga paaralan doon.

Patuloy pa ring namamayani ang Ingles bilang wikang panturo sa maraming paaralan at pamantasan sa bansa lalung-lalo na sa mga pangunahin nating mga paaralan tulad ng UP, AdMU, DLSU at UST. Gahum pa rin ng Ingles ang namamayani sa kadahilanang karamihan sa mga pagkakataong akademiko at lahat ng mga usaping akademiko ay nasa-wikang Ingles. Gaya na lamang sa Pilosopiya, ang paglalathala ng papel ay nakasalalay sa pagsusulat sa wikang Ingles sapagkat ang mga pangunahing diyornal ay nasusulat sa wikang Ingles at habang tumatagal, lalong lumalayo ang agwat ng wikang pambansa sa Ingles dahil patuloy na yumayabong ang kaalaman sa Pilipinas sa wikang dayuhang ito.

Ang panahong ito ang panahong kailangan na nating kumilos. Isang radikal na paggalaw ang nararapat sa pagsasalin ng mga akda mula sa wikang dayuhan patungo sa mga wikang katutubo (hindi na lamang sa Tagalog) at paghinto nang tuluyan sa paggamit ng wikang Ingles sa lahat ng usaping akademiko nang masimulan ang pagpapalago sa mga wikang katutubo sa bansa. Sa mga pamantasan sa Maynila, nararapat lamang na gamiting wikang panturo ang Tagalog sapagkat ito ang wikang ginagamit sa kinalalagyan nitong lugar simula pa noong dumating ang mga Kastila. Sa Bisaya naman, nararapat na gamiting wikang panturo ang Sugbuanon o Ilonggo, alinman ang angkop sa kinalulugaran ng pamantasan.

Hindi na lamang ang wikang pambansa bilang wikang panturo ang nararapat na palaganapin kundi ang lahat ng wikang katutubo sa bansa. At upang mapalaganap ang pag-uusap-usap ng iba’t ibang akademista mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa, tutugon ang Tagalog na siyang pinakaasimiladong wika (sa pagpupunyagi ng Surian noon) sa tanang Kapuluan bilang siyang magiging¬†lingua franca¬†ng lahat ng pambansang usapin. Isa itong panawagan sa lahat ng mga propasyunal sa kani-kanilang mga larangan sa iba’t ibang dako ng Pilipinas na magsimulang magsalin at huminto sa pagsasaliksik gamit ang wikang dayuhan.

Sinimulan na ng mga tulad nina Rolando Tinio at Rogelio Sicat ang pagsasalin ng mga dula sa wikang pambansa. Panahon na upang simulan na rin ng iba pang wikang katutubo sa bansa ang pagsasalin ng mga saliksik, pagsasaliksik sa pamamagitan ng mga wikang katutubo at higit namang pagpupunyagi sa pagsasalin ng mga Tagalog.

Minsan nang nakalaya ang ating estado mula sa kamay ng mga dayuhan. Panahon na upang lansagin naman ang pananakop ng mga Kanluranin sa ating mga isipan. Tungo sa tunay na pagka-timawa!

About these ads

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s