Sorry vs. Apology

Dahil malaki na rin naman ang naiambag ng Ingles sa wikang pambansa, hindi maling pag-usapan natin ang ilang pagkakaiba ng ilang salitang Ingles na pumasok na nga sa ating pang-araw-araw na pananalita. Isa sa pinakaginagamit ngayong salita ay ang “sorry” na karaniwang binabaybay bilang sori at ang mas madalang namang gamiting “apology” na wala pa naman akong kinakikitaang ibang pagbaybay liban sa orihinal nitong Ingles.

Pagka sinabi nating sorry, nangangahulugan ito ng paghingi ng patawad, paumanhin at pasensiya. Sang-ayon nga sa dictionary.com, ang sorry ay nangangahulugang “feeling regret, compunction, sympathy, pity, etc.” Sa ibang salita, pagka sinabi nating sorry ay kaakibat nito ang pagsisisi sa kung saan man tayo sorry. Iba naman ang kaso pagdating sa apology kahit karaniwan na silang gawing magkasingkahulugan. Sang-ayon sa dictionary.com, ang unang ibig sabihin ng apology ay “a written or spoken expression of one’s regret, remorse, or sorrow for having insulted, failed, injured, or wronged another” o halos kagaya rin ng unang ibig sabihin ng sorry. Ngunit sa ikalawa nitong kahulugan lilinaw ang pagkakaiba ng dalawa: “a defense, excuse, or justification in speech or writing, as for a cause or doctrine.”

Kung magso-sorry ka, mangangahulugan ito ng pagsisi lamang ngunit kung mag-a-apologize ka, maaari itong mangahulugan ng pagsisisi at maaari rin namang pagpapaliwanag lamang. At kung susumahin, mas ligtas mag-apologize kaysa mag-sorry dahil maaaring kahit mag-apologize ka, hindi ka pa rin nagsisisi sa ginawa mo at pinaninindigan mong tama pa nga ang nangyari.

Tandaan natin ang unang isinulat na diyalogo ni Plato sa buhay ni Socrates, ang Apology. Sa Apology makikita ang depensa ni Socrates sa harap ng hsgado ng Athens sa kaso ng kawalan ng paggalang sa diyos at pananalaula sa kabataang Griyego. Sa buong akda ni Plato, walang makikitang bahid ng pagsisisi kay Socrates. Bagkus, hanggang sa huli, kahit sinintensiyahan siya ng korteng mamatay, hindi pa rin siya nagsisi at nagtapos sa pagbibilin sa kaniyang mga naiwang kapamilya at sa pag-aming ang mga diyos lamang ang nakaaalam kung alin ang mas maganda: ang kamatayan o ang pananatiling buháy (na kataka-taka dahil sa mga susunod na sandali niya sa Phaedo ay dedepensahan niyang mas maigi ang mamatay kaysa sa mabuhay).

Lagi na lamang nating tandaang nang mag-apologize si Socrates, hindi siya nag-sorry dahil iginiit niyang wala naman siyang ginawang mali. Kayâ sa susunod na may humingi ng apology, huwag ito agad-agad na tatanggapin kung alam ninyong kayo naman talaga ang tama.

Pagsasalin at Pagsusulat Tungo sa 2035

Ang paglinang sa wikang pambansa ang unang hakbangin tungo sa pagkakaroon ng isang pambansang panitikan. Matagal ding binuno ng ating mga makata at pantas-wika ang pagkakaroon ng Pilipinas ng isang pambansang panitikan. Ang wikang pambansa nga bilang wikang panturo ay tinaningan ng Pambansang Alagad ng Sining sa Literaturang si Bienvenido Lumbera noong 1967. Limampung taon daw mula noon ay magiging wikang panturo na ang wikang pambansa ngunit ngayong limang taon na lamang bago ang taning, nasaan na ang kaganapan nito?

Nagkaroon noong panahon ng Dating Pangulong Marcos ng pagtatangkang gawing wikang Filipino ang panturo sa mga paaralan ngunit kalaunan ay ginamit ang sistemang bilingguwal na siya namang lalong nagpagulo sa sistema. Hanggang sa sa nakaraang administrasyon ni Dating Pangulong Arroyo, pinaigting pa ang paggamit ng wikang Ingles imbes na repasuhin ang bilingguwal na sistemang umiiral. Ang dalawang asignaturang itinuturo sa wikang pambansa (Filipino at Araling Panlipunan) ay nabawasan pang lalo, itinira na lamang ang Filipino. Ang Araling Panlipunan, sa nakararaming paaralan ay gumagamit na ngayon (ulit) ng Ingles bilang siyang wikang panturo.

Sa halip na sumulong ang pagpapatibay sa wikang pambansa bilang isang wikang global at wikang panturo, paurong nang paurong ang ating pag-unlad. Kung totoo ngang ang wika ng isang bansa ang salamin ng kaunlaran nito, hindi maitatangging kulelat na kulelat ang Pilipinas kung ihahambing sa ibang mga Asyanong bansang hindi inaalala ang tinatawag na language barrier sa mga turista. Nakatataba pa nga ng pusong ang kanilang sariling paraan ng pagsulat (ispesipiko kong tinutukoy ang sa Tsino, Hapón at Koreano) pa rin ang kanilang ginagamit. Sa ating sariling mga wika, ortograpiyang Kanluranin na nga ang gamit natin, wikang dayuhan pa ang gamit ng ating pamahalaan.

Kung totoo ngang ang wika ang salamin ng ating kaunlaran bilang bansa, tayo na rin yata ang umaayaw sa sarili nating kaunlaran. Sa kabila ng mga saliksik na nagpapatunay na higit na makatutulong ang pagtuturo sa mga bata sa kanilang unang wika, Ingles pa rin ang isinasaksak sa lalamunan ng kabataan sa halip na mga katutubong wika ng Pilipinas. Ang gobyernong ang sentro ay nasa-Katagalugan ay hindi Tagalog ang wikang gingamit kundi Ingles.

Sa isang globalisadong mundong tulad nito, mahalaga ang mapaigting ang ating wikang siyang sasalamin sa ating pagkakakilanlan at nang hindi tayo mawala sa napakalaking daigdig ng paghahalu-halo ng mga kalinangan (kultura). Ang unang hakbang upang mapaunlad ang kakayahan ng wikang pambansa ay ang patuloy na pagsasalin ng mga aklat at akda sa wikang Filipino. Kahit sa wikang Filipino muna. Sa pagkakataong magtagumpay ang wikang Filipinong siyang pinakaasimiladong wika sa ngayon, magsisilbi itong halimbawa sa ibang etnikong wika sa bansa.

Patuloy na dumarami ang mga saliksik at bagong aklat mula sa ibang bansang magiging mahalaga sa pag-aaral at pagsasaliksik na ating gagawin dito sa ating sariling bansa. Habang nagtatagal ang proseso ng pagsasalin, natatambakan tayo ng mga bagong aklat na isasalin. Liban pa rito ang nararapat na pagsusulat ng mga lokal na intelektuwal sa wikang pambansa at hindi sa wikang Ingles. Higit itong makatutulong sa pagpapatunay sa kakayahan ng wika at sa pagpapabilis ng proseso ng modernisasyon (hindi intelektuwalisasyon sang-ayon kay Almario) ng wikang Filipino.

Ang pagsasalin ay pag-angkop sa daigdig na sinasaklaw na akdang isinasalin. Sa pagkakataong maisalin ang isang akda sa wikang Filipino, ito ay tuluyang umiigpaw mula sa pinanggalingan patungo sa atin upang maiangkop na natin sa ating sariling pangangailangan. Kung patuloy tayong makikipagtalastasan, magsasaliksik at magsusulat sa wikang Ingles, ang ating mga ideya, haraya at dalumat ay pinaiigkas natin mula sa sarili nating kamalayan patungo sa kamalayan ng mga taal na nagsasalita ng Ingles, alalaong baga, ginagawa nating hindi atin ang sarili nating mga pag-aaral.

Sa taong 2035 inilagay ng ilang intelektuwal ang taning sa pagpapahinog sa wikang Filipino bilang isang wikang global at wikang panturo. Sa pagkakataong ito, huwag na sana tayong mabigo sa panibagong taning na ating hahabulin. Magsalin na tayo at magsaliksik sa wikang Filipino upang masabi nating tayo talaga ang marurunong.

Magsalin. Magsulat. Ngayon na.

Pluralismo at Wikang Panturo

Sa taning na ibinigay ng Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikang si Bienvenido Lumbera noong 1967, paubos na nang paubos ang oras. Sinabi niyang may limampung taon ang pambansang wika upang maging matagumpay na wikang panturo sa ating mga paaralan. Kung bibilangin, sa 2017 na ang nararapat na kaganapan ng harayang ito at limang taon na lamang ay hindi pa rin ganoong kagila-gilalas ang naging tagumpay ng pambansang wika.

Marahil ay isa sa pinakamalaking aspekto ng di-pagtatagumpay nito ang presensiya ng iba’t ibang wika sa bansa, dagdag pa ang mga dayuhang nag-aaral dito. Sapagkat ang pangunahing layunin ng edukasyon ay ang magturo sa mga mag-aaral, hindi maiwawaksi ang pagsasaalang-alang sa mga mag-aaral na iba’t iba ang ginagamit ng wika. Halimbawa na lamang ang lumalaking bilang ng mga Koryano at Amerikanong dito sa atin nagsisipag-aral dahil marahil sa magandang kalidad ng edukasyon sa bansa (alalaong baga, hindi nangangailangan ng karagdagang mga taon sa paaralan) at murang halaga nito.

Hindi naman suliranin ang malaking bahagi ng mga mulang lalawigang nag-aaral dito sa Maynila kung tuturuan sila sa pamamagitan ng wikang pambansang nakasandig sa wikang Tagalog. Napatunayan nang nagtagumpay ang mga naunang pagtatangkang palaganapin at ipaunawa ang wikang ito sa mahigit-walumpung bahagdan ng ating sambayanan. Alalaong baga, hindi na isyu ang pag-unawa ng mga nakasasagap ng mga aralin sa wikang pambansa ngunit nananatili ang isyu ng pagtanggap sa wikang pambansa bilang siyang wikang panturo sa lahat ng paaralan. Isa pa, ang pagpunta rito ng mga mulang lalawigan ay isang pagsuong sa panibagong kalinangang (kultura) sunong ng Maynila at kahalili na rin nito ang wikang ginagamit dito. Sa pagkakataong ang mga Tagalog naman ang mag-aral sa isang paaralan sa isang lalawigang may sariling wikang ginagamit, tungkulin ng Tagalog na iyon ang magpahinuhod sa wikang gagamitin sa mga paaralan doon.

Patuloy pa ring namamayani ang Ingles bilang wikang panturo sa maraming paaralan at pamantasan sa bansa lalung-lalo na sa mga pangunahin nating mga paaralan tulad ng UP, AdMU, DLSU at UST. Gahum pa rin ng Ingles ang namamayani sa kadahilanang karamihan sa mga pagkakataong akademiko at lahat ng mga usaping akademiko ay nasa-wikang Ingles. Gaya na lamang sa Pilosopiya, ang paglalathala ng papel ay nakasalalay sa pagsusulat sa wikang Ingles sapagkat ang mga pangunahing diyornal ay nasusulat sa wikang Ingles at habang tumatagal, lalong lumalayo ang agwat ng wikang pambansa sa Ingles dahil patuloy na yumayabong ang kaalaman sa Pilipinas sa wikang dayuhang ito.

Ang panahong ito ang panahong kailangan na nating kumilos. Isang radikal na paggalaw ang nararapat sa pagsasalin ng mga akda mula sa wikang dayuhan patungo sa mga wikang katutubo (hindi na lamang sa Tagalog) at paghinto nang tuluyan sa paggamit ng wikang Ingles sa lahat ng usaping akademiko nang masimulan ang pagpapalago sa mga wikang katutubo sa bansa. Sa mga pamantasan sa Maynila, nararapat lamang na gamiting wikang panturo ang Tagalog sapagkat ito ang wikang ginagamit sa kinalalagyan nitong lugar simula pa noong dumating ang mga Kastila. Sa Bisaya naman, nararapat na gamiting wikang panturo ang Sugbuanon o Ilonggo, alinman ang angkop sa kinalulugaran ng pamantasan.

Hindi na lamang ang wikang pambansa bilang wikang panturo ang nararapat na palaganapin kundi ang lahat ng wikang katutubo sa bansa. At upang mapalaganap ang pag-uusap-usap ng iba’t ibang akademista mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa, tutugon ang Tagalog na siyang pinakaasimiladong wika (sa pagpupunyagi ng Surian noon) sa tanang Kapuluan bilang siyang magiging lingua franca ng lahat ng pambansang usapin. Isa itong panawagan sa lahat ng mga propasyunal sa kani-kanilang mga larangan sa iba’t ibang dako ng Pilipinas na magsimulang magsalin at huminto sa pagsasaliksik gamit ang wikang dayuhan.

Sinimulan na ng mga tulad nina Rolando Tinio at Rogelio Sicat ang pagsasalin ng mga dula sa wikang pambansa. Panahon na upang simulan na rin ng iba pang wikang katutubo sa bansa ang pagsasalin ng mga saliksik, pagsasaliksik sa pamamagitan ng mga wikang katutubo at higit namang pagpupunyagi sa pagsasalin ng mga Tagalog.

Minsan nang nakalaya ang ating estado mula sa kamay ng mga dayuhan. Panahon na upang lansagin naman ang pananakop ng mga Kanluranin sa ating mga isipan. Tungo sa tunay na pagka-timawa!